Ni: Fritz Niño V. Parilla (GS Faculty)
Mga matalinghagang salita, tonong nakahihikayat sa madla, at tindig na parang isang tunay na makata—ilan lamang ito sa mga nasaksihan ng mga mag-aaral sa Ikalimang Baitang sa naganap na “Indigay sa Balak” bilang bahagi ng makulay na pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025.
Idinaos ang paligsahan noong ika-9 ng Agosto sa hapon sa Virginia Chiongbian Theater, na dinaluhan ng mga mag-aaral sa Ikalimang Baitang at ng kanilang mga gurong-tagapayo upang buong pusong suportahan ang kanilang mga kinatawan. Pinangunahan naman nina G. Nhef Gingoyon, isang guro sa Social Studies at Bb. Mae Antonette Mutia, isang guro sa Christian Life Formation (CLF) ang masiglang programa bilang mga tagapagdaloy, samantalang nagbigay-aliw at karagdagang kulay ang inihandog na awit ni Kain Pimentel mula sa Grade 5- St. Peter Faber.
Ginamit ng mga kalahok ang akdang isinulat ni Dominic Craig Carpio, isang alumnus ng paaralan, na pinamagatang “Hain Ka Ba, O’ Bidlisiw.” Ito ay isang akda na isinulat sa Sinugbuanong Binisaya na nagsilbing paalala ng matatag na paglalakbay at matibay na pag-asa sa kabila ng dilim.
Isa sa mga pinakainaabangan na bahagi ng programa ang pagtanggap ng gantimpala ng mga nagwagi na personal na iginawad nina G. Emmanuel Rivera, isang guro mula sa Senior High Department, G. Marcel Baril at Gng. Rachel Mae Deriada, mga guro mula sa Grade School Department.
Sa pagtatapos ng paligsahan, itinanghal na kampeon si Sofia Andrea Pacencia ng Grade 5-St. Francis Jerome. Nakamit naman ni Elijah Rayne Buerano ng Grade 5- St, John Berchmans ang ikalawang gantimpala, habang pumangatlo si Anabella Bacus ng Grade 5- St. Peter Faber. Lumahok din sa patimpalak sina Jax Matthew Iwezulu ng Grade 5- St. Francis Xavier, Dominic Ochigue ng Grade 5- St. Alberto Hurtado, at Siti Angela Kathleen Deinla ng Grade 5- St. Rene Goupil, na pawang nagpakita ng husay at galing sa pagbabalak.
Sa pagtatapos, tunay na naging makulay at matagumpay ang patimpalak na ito, na hindi lamang nagbigay-galang sa wikang Sinugbuanong Binisaya kundi nagpasigla rin sa damdamin ng mga kabataan upang mahalin at ipagmalaki ang sariling wika.















