Admission applications for S.Y. 2026-2027 are now open. Apply now!

Biyahe ni Juan: Art Exhibit 2025

Ni: Bb. Rodiza Anne P. Elmido (GS Faculty)

          Noong Agosto 8, 2025, ipinagdiwang ng Sacred Heart School – Ateneo de Cebu Grade School Department ang Buwan ng Wika 2025 sa pamamagitan ng makabuluhang patimpalak na pinamagatang “Biyahe ni Juan: Art Exhibit Contest na ginanap sa Level 4 Activity Center. Nilahukan ito ng lahat ng seksiyon ng ika-apat na baitang at nagbigay-diin sa kahalagahan ng ating wikang pambansa at sa kagandahan ng mga tanawin sa Pilipinas.

          Sa nasabing patimpalak, bawat klase ay lumikha ng malikhaing poster ng kanilang napiling tanyag na tanawin sa bansa gamit ang illustration board, indigenous materials, at mga recycled na bagay mula sa kapaligiran. Kabilang sa mga tampok na paksang ipinakita ng mga mag-aaral ang mga likas na yaman at tanawin tulad ng Chocolate Hills, Banaue Rice Terraces, Mayon Volcano, Kawasan Falls, Tubbataha Reef, at Lake Sebu. Layunin ng gawaing ito na ipakita hindi lamang ang talento sa sining kundi pati na rin ang pagpapahalaga sa kalikasan at kulturang Pilipino.

          Mahalaga rin ang naging papel ng mga guro sa matagumpay na pagdiriwang. Si Bb. Dichie Mae Brigoli ang nagsilbing emcee, si Bb. Ana Mae Abapo ang nagbasa ng rubrik, samantalang si G. Fidel Pleños ang namahala sa dokumentasyon at potograpiya. Pinangunahan naman ni Bb. Rodiza Anne Elmido ang pagbibigay ng mga gantimpala. Ang kaganapan ay naging patunay ng sama-samang pagtutulungan ng mga guro at mag-aaral ng ika-apat na baitang.

          Ang masusing pagtataya sa mga lahok ay isinagawa nina Bb. Eva Mae Canoy, CLF Coordinator, Gng. Mylene Bersabal, Arts Teacher, at Gng. Bernie Poliquit, Integral Ecology Advocacy Coordinator. Sa kanilang matiyagang pagtingin, nabigyang-halaga ang bawat obra batay sa pagkamalikhain, orihinalidad, at kaugnayan sa temang itinakda ng Buwan ng Wika.

          Matapos ang deliberasyon, itinanghal na unang gantimpala ang Grade 4 – St. Stanislaus Kostka para sa kanilang malikhaing presentasyon ng Chocolate Hills. Nakuha naman ng Grade 4 – St. Robert Southwell ang ikalawang gantimpala sa kanilang makulay na paglalarawan ng Mayon Volcano, at itinanghal na ikatlong gantimpala ang Grade 4 – Campion para sa kanilang malikhaing pagbuo ng Lake Sebu.

          Sa kabuuan, ang “Biyahe ni Juan” Exhibit-Contest ay naging isang makabuluhang selebrasyon na nagpatibay sa pagmamahal ng mga batang Atenista sa kanilang wika, kultura, at kalikasan. Sa pamamagitan ng sining at wika, naipadama ng mga mag-aaral ang kanilang pagpapahalaga sa yaman ng Pilipinas at naipakita nila ang pagiging tunay na makabayan.

Inquire about SHS-AdC