SHS-AdC Grade School Ipinagdiwang ang Buwan ng Wika 2025
Ni: Gng. Mary Jane R. Becher
Ipinagdiwang ng Sacred Heart School-Ateneo de Cebu (SHS-AdC) Grade School Department ang Buwan ng Wika 2025 sa pamamagitan ng isang pambungad na palatuntunan noong ika-8 ng Agosto, 2025. Ang pagdiriwang sa taong ito ay may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”. Ito ay nangangahulugang ang Wikang Filipino ay isang instrumento sa pagpapahayag ng pagkakaisa ng kaisipan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng komunikasyon, kolaborasyon, kritikal na pag-iisip, at pagkamalikhain.
Pormal na inilahad ng mga tagapagtaguyod ng wika at kultura ang iba’t ibang mga gawain para sa buwang ito. Ang una at ikalawang baitang ay gumawa ng Banderitas kung saan ipinakita ang mga natatangi at magagandang asal ng mga Pilipino. Ang ikatlong baitang naman ay nagpakita ng galing sa bawat larong pinoy na kanilang ikinatuwa habang nilaro ang mga ito. Iilan sa mga laro ay ang tumbang preso, karang, karera ng sako o luksong sako. Mga magagandang tanawin naman ang ibinida ng mga mag-aaral sa ikaapat na baitang sa pamamagitan ng Biyahe ni Juan Art Exhibit. Ipinakita nila ang mga magagandang tanawin na naging mga tanyag na pinupuntahan ng mga turista. Ang pagsalaysay ng mga kuwentong puno ng saysay ay isinagawa ng mga magulang ng ikalimang baitang. Bawat magulang ay naging malikhain sa kanilang pagsagawa ng Wansapanataym. Matatalinghagang salita, tonong nanghihikayat ng madla, at tindig na parang isang tunay na makata ang ibinahagi ng mga kalahok ng Indigay sa Balak ng mga mag-aaral sa ikalimang baitang. Hindi rin pahuhuli ang tagisan ng galing sa pag-awit ng mga Original Pinoy Music o OPM ng mga mag-aaral sa ikaanim na baitang. Ang mga batang manunulat naman ay kani-kaniyang nagpakitang gilas sa paggamit ng pluma upang ipahayag ang kanilang saloobin at kaisipan sa temang ibinigay ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Mayroon ding mga lingguhang trivia na inihanda ang mga guro para sa bawat baitang na may kaukulang tema. Para sa una at ikalawang baitang, ang mga tanong ay nakatuon sa Mga Pambansang Sagisag; para sa ikatlong baitang, pinagtuunang pansin ang Mga Pambansang Bayani; ang ikaapat na baitang naman ay nabigyang pagkakataon na lalo pang makilala ang Magagandang Tanawin sa Pilipinas; ang ikalimang baitang naman ay nagbigay tuon sa Kasaysayan ng Wikang Filipino; para sa ikaanim na baitang, Mga Pangulo ng Pilipinas naman ang binigyang tuon.
Tunay ngang ang wika ang siyang nag-uugnay sa bawat isa sa atin upang magkaisa at gumawa ng makabuluhang kasaysayan na maaaring ipagmalaki ng mga susunod na henerasyon.













