Ni: Marcel E. Baril (GS Faculty)
Kakaibang husay sa pag-awit ng mga Original Pinoy Music o OPM ang ipinamalas ng mga Ateneo Hearter sa ika-anim na baitang sa ginanap na Boses Ateneo Grade 6 Showdown noong ika-8 ng Agosto, 2025, sa Virginia Chiongbian Theatre, ng Sacred Heart School-Ateneo de Cebu, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025.
Hango mula sa tema ng pagdiriwang, “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”, layunin ng patimpalak na ito na itaguyod ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga natatanging boses ng kabataan sa larangan ng musika at pag-awit.
Namayagpag sa patimpalak ang boses nina Nicolo Primo F. Pangan ng Baitang 6 – St. Peter Claver (kampeon) sa kanyang piling awiting “Sa Susunod na Habang Buhay” ng Ben&Ben, Sofia Amber S. Silvania ng Baitang 6 – St. Robert Bellarmine (ikalawang gantimpala) sa kanyang piling awiting “Kumpas” ni Moira dela Torre, at Cassandra Mireya G. Basa ng Baitang 6 – St. Peter Canisius (ikatlong gantimpala) sa kanyang piling awiting “Sundo” ng Imago.
Sa pagtatanghal ng mga Ateneo Hearter ay wari nagsipag-awitan ang mga puso ng kabataang Pilipino sa henerasyong Alpha, kung saan ay may himig ng pananabik, pakikibaka, at higit sa lahat, puno ng pag-asa.
Sadyang ito ay nagpapatunay na ang awiting Pinoy, bilang pinakamatandang anyo ng kulturang Pilipino, ay búhay (life) at buháy (dynamic) na patuloy na dumadaloy at nag-uugnay ng mga pusong nagdiriwang, nagkakaisa, at umaasa.
Pagpupugay sa boses ng bawat Ateneo Hearter!











